Bumisita ang mga validators mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG)-Region I Office noong Mayo 6 upang inspeksyunin ang operasyon ng LGU Bayambang at makita kung papasang muli ang LGU sa Seal of Good Local Governance (SGLG) sa taong 2019.
Ang mga validators ay sina DILG-La Union Cluster Leader Charina Rocelyn Flora, Municipal Local Government Operations Officer ng Balaoan, La Union na si May Rose Ancheta, at Civil Society Organization representative na si Chaplain Ricardo Yanez.
Sila ay sinalubong ni Mayor Cezar T. Quiambao, kasama nina Municipal Local Government Operations Officer Dinah A. Pinlac, Municipal Administrator Atty. Raymundo B. Bautista Jr., Philippine National Police OIC Chief P/Supt. Marceliano Desamito Jr., Bureau of Fire Chief SFO4 Raymond C. Palisoc, Bayambang National High School Principal Mary Ann J. Payomo, at mga department heads at unit heads ng LGU.
Unang binusisi ng grupo sa Events Center ang mga records ng iba’t-bang departamento sa pitong aspeto ng pamamalakad: Financial Administration; Disaster Preparedness; Social Protection; Peace and Order; Business Friendliness and Competitiveness; Environmental Protection; at Tourism, Culture and the Arts.
Matapos nito, sila ay nag-ocular inspection sa mga evacuation centers, public market, material recovery facility, at iba pang pampublikong pasilidad ng Bayambang.
Ngayong taon ay mas pinaigting ng DILG ang kanilang mga criteria sa nabanggit na pitong goveernance areas. Halimbawa, kailangang ang mga evacuation center ay may couples’ room, breastfeeding area, at iba pang amenities.
Matatandaang kabilang ang Bayambang noong 2018 sa 207 na piling munisipalidad na pumasa sa SGLG, out of 1,489 na munisipalidad sa bansa.
Kung masusungkit ng Bayambang ang SGLG ngayon taon, ito ay magiging pang-apat na diretsong paggawad ng prestihiyosong parangal ng DILG sa LGU.
Ang mga gagawaran ng SGLG ay nakatakdang makatanggap ng SGLG marker, eligibility sa multimillion-peso Performance Challenge Fund (PCF) para sa mga local development initiatives, at access sa iba pang mga programa at capacity development assistance mula sa ahensya.