Women of Bayambang: Shining Brightly for Love and Service

Bilang pagkilala sa mga kababaihan at sa kanilang mga mahahalagang kontribusyon sa lipunan, nagkaroon ng Women’s Month 2019 Celebration sa pangunguna ng Local Council of Women at ng lokal na pamahalaan ng Bayambang noong March 19 at 20.

Sinimulan ang selebrasyon sa isang parada sa bayan na sinalihan ng mga opisyal at mga myembro ng LCW sa 44 na mga barangay sa Bayambang. Nagtapos ang parada sa Balon Bayambang Events Center kung saan ginanap ang programa at nagpamigay ng mga pa-premyo sa mga dumalo.

“Walang mangyayari sa mundo ‘pag wala ang mga babae,” pagpupugay ni LCW President Mary Clare Judith Phyllis J. Quiambao sa mga kababaihan. Sinabi rin niya na kaisa ng mga kababaihan ang Team Quiambao-Sabangan sa pag-progreso ng bayan.

Self-love at confidence naman ang naging sentro ng diskusyon ng Guest of Honor and Speaker na si 3rd Runner-up Miss Rainbow of the World Yna Almogela Jalin Bacalanmo. Ayon sa kanya, importanteng kilalanin at mahalin muna ang sarili bago ang ibang tao. Bukod kay Bacalanmo, naroon din si Lourina Magno upang turuan ang mga kababaihan ukol sa pagbebenta ng mga kabute para magkaroon sila ng karagdagang kabuhayan. Bumisita rin ang mga representante mula sa Bauang Crochet Association mula Bauang, La Union.

Limang masuwerteng Barangay LCW ang tumanggap ng tig-P10,000 para sa kanilang mga napiling Sustainable Livelihood Program. Ang mga ito ay ang LCW Inirangan (food processing), LCW Bongato East (tailoring), LCW Ambayat 2nd (food processing, tailoring), LCW Telbang (rag-making, handicrafts), at LCW Hermoza (salted egg production). Sa susunod na mga buwan ay makakatanggap rin ng puhunan ang mga LCW sa iba pang mga barangay. Nakikipagtulungan sa kanila ang Bayambang Poverty Reduction Action Team para masiguro ang kanilang tagumpay sa pagnenegosyo.

Pinakilala rin sa programa si Judy Tolentino, ang Bayambangueña na binansagang Lola Grade 7, dahil sa kanyang sipag sa pagpasok sa eskwelahan sa kabila ng kanyang edad. Kasalukuyang pumapasok si Lola Judy kasabay ng kanyang mga apo sa Bayambang National High School at ang buhay niya ay ipinakita sa programang “Rated K.” Nakatanggap si Lola Judy ng sari-sari store package mula sa LCW na nagkakahalaga ng P10,000.

Sa ikalawang araw ng selebrasyon, iba’t ibang mga paksa na nakatulong sa mga Bayambangueña ang tinalakay. Nagsalita ukol sa pagiging mabuting magulang si Social Welfare Officer II Kimberly Basco. Samantala, nagbigay naman ng kaalaman si Municipal Health Officer Dr. Paz F. Vallo ukol sa reproductive health at si Sangguniang Bayan Legal Assistant Atty. Czarina C. Martinez ukol sa mga batas na nagpo-protekta sa mga karapatan ng mga kababaihan, kabilang ang Anti-Sexual Harassment Act of 1995.

Nagkaroon doon ng libreng ear candling, gupit, at back massage para sa mga kababaihan. Naroon din si LGBTQI Association of Bayambang President Raymond del Prado para magbigay ng make-up demo.

Nagpasalamat naman si Mayor’s Action Center head Jocelyn Espejo, na siya ring pinuno ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI), sa mga dumalo at sa administrasyong Quiambao-Sabangan para sa lahat ng tulong at suporta nila sa mga Bayambangueña.

Dumalo sa selebrasyon si Mayor Cezar T. Quiambao kasama sina Vice Mayor Raul R. Sabangan, LCW Vice President Ian Camille Sabangan, Councilor Philip Dumalanta, Councilor Mylvin Junio, Councilor Amory Junio, Councilor Benjamin De Vera, Councilor Martin Terrado, mga department head, at mga miyembro ng LGU. Pinangunahan naman ito ni Supervising Tourism Operations Officer Rafael L. Saygo.

Ang pagiging babae ay may kaakibat na mahalagang responsibilidad sa bayan. Kaya naman kaisa ang LCW Bayambang sa pagsiguro na hindi nag-iisa ang sinumang Bayambangueña sa patuloy niyang pakikibaka para sa pagkakapantay-pantay at sa mas maayos na buhay para sa kanyang pamilya.

 

Arrow
Arrow
Slider