Makabagong Kagamitan sa Agrikultura, Susi sa Pag-unlad ng mga Magsasaka
Isinagawa ang Blessing & Awarding of Farm Mechanization Equipment sa Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc. (KKSBFI) noong ika-13 ng Marso 2019, ilang araw matapos dumating sa Bayambang ang mga makabagong makinaryang nagkakahalaga ng mahigit P17M.
Ang modernisasyon ng kagamitan sa pagsasaka ay isa sa mga proyekto sa ilalim ng Bayambang Poverty Reduction Plan, ang sampung taong plano na naglalayong iwaksi ang kahirapan sa Bayambang na nabuo dahil sa inisyatibo ni Mayor Cezar T. Quiambao at Vice Mayor Raul R. Sabangan. Ang Agricultural Modernization ay isa lamang sa limang mahahalagang aspeto ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan.
Sa pangunguna ni Fr. Roy Joel O. Rosal ay nagkaroon ng misa bago ang isang maiksing programa na dinaluhan nina Mayor Quiambao, Vice Mayor Sabangan, Councilor Joseph Ramos, Amanperez Punong Barangay Gina P. Bautista kasama ang iba’t-ibang Punong Barangay, mga department head at staff ng lokal na pamahalaan, mga staff ng KKSBFI, at ng mga benepisyaryo. Sinabi doon ng Executive Director ng KKSBFI na si Romyl Junio na “Kitang-kita po natin ang pagmamahal, kitang-kita po natin ang pagbabago, damang-dama po natin ang pag-asenso.” Hinikayat din niya ang mga dumalo na magtulong-tulong, magsama-sama, at gawin ang nararapat para sa sabay-sabay na pag-angat ng mga Bayambangueño.
Binigyang pugay ni Mayor Quiambao ang dating konsehal at Managing Director ng KKSBFI na si Levin N. Uy. Aniya, isa si Uy sa mga pinaka-unang matutuwa sa proyektong ito dahil isa ito sa kanyang mga plano sa pagpapa-unlad sa Bayambang. Sabi naman ni Vice Mayor Sabangan, pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay sa Bayambang at ang farm mechanization ay isang daan upang maging maganda ang pamumuhay ng mga magsasaka.
Naroon si Mangabul Seed Growers Marketing Cooperative Vice-Chair Rhodora D.G. Sagum at Consultant on Farm Mechanization Maricel M. San Pedro para bigyan ng paunang kaalaman ang mga magsasaka ukol sa paggamit ng mga makabagong makinarya na magpapagaan ng kanilang trabaho. Bago naman matapos ang programa ay nagbigay rin ng maiksing mensahe si Dr. Joel T. Cayabyab, ang head ng Bayambang Poverty Reduction Action Team.
Nais ni Mayor Quiambao na sa pamamagitan ng programang ito ay magkakaroon na ng sapat na kita ang mga magsasaka para hindi na sila muling umutang.