Noong Huwebes at Biyernes (Enero 31-Pebrero 1), bumisita sa Munisipyo ang validators mula sa DSWD Central Office sa Quezon City upang personal na beripikahin ang nominasyon ng DSWD Region I sa LGU Bayambang bilang isa sa mga finalists sa 2019 PANATA-GAPAS Award.
Ang national award mula sa DSWD ay kumikilala sa mga convergence initiatives ng LGU o ang pagsasanib-pwersa ng iba’t-ibang departamento, ahensya, at pribadong sektor upang tulungan ang mga mahihirap at mapanatili ang mga livelihood projects na ibinigay sa mga ito under DSWD’s Sustainable Livelihood Program o SLP.
Ang mga validators ay sina Information Officer IV Donards Kim Tañedo, na siyang head ng SLP Social Marketing ng DSWD Central Office, at Division Chief at Project Development Officer IV Edmund Monteverde. Sila ay sinamahan nina DSWD Region I Provincial Coordinator Evelyn Rimando at SLP Social Marketing Officer Janine Joy Altero.
Ayon sa mga bisita, ang LGU Bayambang ay kabilang sa Top 4 finalists ng GAPAS Award.
Umikot ang validation team kasama ang mga taga LGU at Municipal Link sa iba’t-ibang SLP livelihood projects. Sila ay nag-inspeksiyon sa Brgy. Bongato West, Pantol, Manambong Sur, at San Gabriel 2nd.