Nakatanggap ang LGU-Bayambang ng halagang P487,000 mula sa Agricultural Training Institute (ATI) ng Department of Agriculture-Regional Office I para sa Rice-Based Oplan Harabas ng Municipal Agricultural Office (MAO) noong ika-3 ng Enero 2019 sa Tebag East, Sta. Barbara, Pangasinan.
Tinanggap ng LGU ang tseke mula kina ATI Director Rogelio C. Evangelista at Assistant Director Melinda Mangabat sa pangunguna nina Ricardo dela Masa, Dr. Joselito Rosario, Rodolfo Ragos, at Zyra Orpiano ng MAO at Melvin Amansec ng Treasury Office.
Ayon sa MAO, ang proposed project na “Rice-Based Oplan Harabas: Integrasyon sa Pagsisibuyasan, Mataas na Ani ay Makakamtan” ay may 30 benepisyaryo na miyembro ng Manambong Parte Farmers’ Association. “Ang pondo ay isang roll-over scheme,” paliwanag nila.
Dagdag pa ng MAO, ang project proposal ay bunga ng pa-training ng ATI sa mga Agricultural Development and Extension Officers of the Community (AgRiDOC) na sinalihan ni Ms. Orpiano ng halos anim na buwan.