Gaya ng nakagawian nang ilang taon, nagstop over muli ang mga kalahok sa Byaheng Tirad Pass o Heroes’ Trek noong Disyembre 1 sa Balon Bayambang Events Center.
Ang taunang byahe mula Malolos, Bulacan hanggang Gregorio del Pilar, Ilocos Sur ay naglalayong gunitain ang biyaheng tinahak ng mga bayani kabilang na si Heneral Gregorio ‘Goyo’ del Pilar noong panahon ng rebolusyunaryong gobyerno na pinamunuan ni Hen. Emilio Aguinaldo noong 1899.
Isa ang Bayambang sa mga bayan na kung saan panandaliang nagkuta ang mga rebolusyonaryo, kaya naman isa ito sa mga stopover ng Byahe.
Kapansin-pansin ang paglobo ng mga sumali sa taunang event na ito dahil sa pagsikat ng pelikulang ‘Goyo’ ni Jerrold Tarog. May 170 na delegado ngayong taon, na karamihan ay mga estudiyante mula pa sa Maynila, ang dumating lulan ng tatlong bus.
Kabilang sa mga dumating ang Director ng Center for Bulacan Studies na si Edilberto Larin Jr., SK Head Capt. Danilo Clavio, and Alkalde ng Bulakan na si Joey Rodrigo, DILG head Engr. Anselmo Ortiz Jr., and puno ng Bulacan Provincial History and Culture Dr. Eliseo dela Cruz, NCCA Chair ng Barasoain, Malolos Roel Paguiligan, at SK Federation President Mark Paulo Manaysay. Naroon din ang organizer ng grupo na si Bulacan Salinlahi Inc. President Isagani Giron, ang historyador ng Malolos at bibliographer ni Gregorio del Pilar, at ang may-akda ng besteller na libor na “Goyo: Ang Batang Heneral — The History Behind the Movie.” Si Giron ay naging consultant ni Director Tarrog sa paggawa ng naturang pelikula.
Ang delegasyon ay sinalubong ni Museum and Culture and Arts Consultant Gloria de Vera at staff ng Municipal Tourism Office. Habang nag-aagahan, sila ay nanood ng video tungkol sa Bayambang bilang ikalimang kapitolyo ng bansa.
Mula Bayambang, susunod na maiistop-over ang grupo sa Candon at Salcedo, Ilocos Sur hanggang marating ang bayan ng Concepcion, Ilocos Sur na ngayon ay pinangalanang Gregorio del Pilar bilang tanda ng pagpugay sa magiting na heneral na bayani ng tinaguring Battle of Tirad Pass. Sa Concepcion magpapalipas ng gabi ang grupo upang makapagpahinga para sa isa at kalahating oras na pag-akyat sa Pasong Tirad (Tirad Pass) doon.