Ang utak ang isa sa mga pinaka-importanteng parte ng katawan, ngunit madalas ay hindi nabibigyang pansin ang kalusugan nito. Sa Mental Health Fair na isinagawa ng Department of Health Region 1, katuwang ang Rural Health Unit 1 at 2, noong December 4 sa Bayambang National High School, ipinakita ang importansya ng pag-aalaga sa mental health at ang mga paraan kung paano mapangangalagaan ito.
Ang programang naganap na may temang “Katatagan sa Nagbabagong Mundo, Kabataang Pinoy, Usap Tayo” ay nagbigay kaalaman sa mga Grade 7 na estudyante ng BNHS at humikayat sa kanila na alagaan ang kanilang mental health at ng mga tao sa paligid nila. Bukod sa pagdaos ng seminar ukol sa bullying, depresyon, social media, at ilan pang mga usapin na may kaugnayan sa mental health, nagpalabas rin ng ilang mga video na nagpakita ng mga epekto ng bullying sa kalusugan ng mga tao at kung anong mga maaaring gawin upang maiwasan o mawala ang depresyon.
Nagkaroon naman ng Infomercial at Poster Making Contest kung saan ipinakita ng mga mag-aaral ang kanilang kagalingan sa paggawa ng mga materyal na magagamit para magbigay kaalaman sa mas marami. Ipinakilala rin sa mga mag-aaral ang Project Semicolon na naglalayong mabawasan o tuluyang mawala ang mga kaso ng pagpapakamatay dahil sa depresyon.
Pinangunahan naman ng mga staff ng RHU, sa pangunguna nina Municipal Health Officer Dr. Paz Vallo at RHU 2 head Dr. Adrienne Estrada, ang Workshop on Mental Health Wellness kung saan nagkaroon ng meditation booth, art therapy, at iba’t ibang mga laro na konektado sa mental health.
Ang inisyatibong ito ng DOH at ng RHU ay isang paraan ng paghikayat sa mga kabataan na bigyang importansya ang mental health katulad ng importansyang binibigay sa pisikal na kalusugan.