Tuluy-tuloy ang mga aktibidad sa Rebolusyon Laban sa Kahirapan sa unang taon nito, at parte na nang mga naumpisahang gawain ay ang proyektong Backyard Gardening ng Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT).
Noong ika-23 ng Nobyembre, nagtungo ang BPRAT sa Barangay Bani upang itaguyod at ipakita ang mga benepisyo ng pagkakaroon ng backyard garden sa mga sambahayan doon.
Sa tulong ng Municipal Agriculture Office, MDRRMO, Municipal Nutrition Action Office, POSO, PNP, at mga opisyal at residente ng Bani, nakapagtanim ang mga kalahok ng mga seedlings ng bell pepper at talong sa likod-bahay o hardin ng 14 kabahayan sa pitong purok ng Bani. Ang mga piniling residente ay nabigyan din ng libreng mga binhi ng iba’t ibang gulay.
Maaalalang ang proyektong ito ay nauna nang inilunsad sa Brgy. Sanlibo noong Setyembre 4. Pagkatapos ng Bani, ang grupo ay magtutungo sa Sancagulis, Hermoza, at San Vicente. Ang mga barangay na ito ay kabilang sa nangungunang sampung pinakamahihirap na barangay sa Bayambang, ayon sa 2017 Community-Based Monitoring System.
Ang mga opisyal ng LGU ay babalik sa mga sambahayan sa mga barangay na ito upang regular na masubaybayan ang pag-usad ng proyekto at pagpapanatili nito.