“Ano ang iba’t ibang klase ng bullying?”
“Ano ang mga pangunahing dahilan ng pambubully?”
“Ano ang mga pwede mong gawin kapag ikaw ay na-bully?”
Ilan lamang ang mga ito sa mga katanungan na nasagot ng Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) sa kanilang Anti-Bullying Campaign na sinimulan noong ika-23 ng Nobyembre sa A.P. Guevara Integrated School sa Barangay Manambong Parte
Sa harap ng mga Grade 4 hanggang Grade 11 na mag-aaral, ipinaliwanag ni Local Youth Development Officer Johnson Abalos na mayroong iba’t ibang klase ng bullying, kabilang na dito ang verbal, pisikal at emosyonal na bullying. Ayon sa kanya, ang ilan sa mga dahilan kung bakit mayroong mga bully ay dahil gusto nila na sila ang makitang malakas, dahil sa inggit, o dahil dinadala nila sa eskwelahan ang nakikita nila sa kanilang mga tahanan.
Paliwanag naman ni Municipal Administrator Atty. Raj Sagarino-Vidad, na siya ring pinuno ng BPRAT, may kaukulang mga batas na magbibigay-parusa sa mga bully na nakapaloob sa R.A. 10627 o Anti-Bullying Act of 2013. Nagbigay-diin siya sa mga posibleng maging epekto ng bullying sa mga apektado nito. Aniya, “Hanggang sa pagtanda ninyo, mayroong epekto sa inyo ang pambubully,” kaya importante na malaman ng bawat isa ang maaaring mangyari kung sila ay nang-bully.
Nagkaroon rin ng open forum na pinangunahan ng staff ng BPRAT na sina Reddy Mina at Angelica Garcia kung saan binigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magbigay kaalaman base sa kanilang mga sariling karanasan.
Nilalayon ng aktibidad na ito na magdagdag kaalaman sa mga kabataan at sa mga guro tungkol sa mga epekto ng bullying sa kasalukuyan at sa hinaharap. Nais din nito na tuluyan nang matigil ang bullying sa Bayambang dahil napag-alamang isa ito sa mga pinakamalaking dahilan kung bakit hindi pumapasok sa eskwelahan ang ilang kabataan.
Una pa lamang ito sa maraming eskwelahan na pupuntahan ng BPRAT para patuloy na ipaglaban ang pagkawala ng bullying sa Bayambang.