Naganap muli ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan Year 2 sa San Gabriel 2nd Elementary School noong ika-23 ng Noyembre sa pamumuno ni Municipal Health Officer Dra. Paz F. Vallo.
Nagtipon-tipon doon ang mga taga-Barangay Iton, Manambong Norte, Manambong Sur, Manambong Parte, Paragos, at siyempre San Gabriel 2nd — lahat mula sa District 2.
Naroon siyempre ang pamunuan ng Munisipyo na pinangungunahan ni Vice-Mayor Raul Sabangan, kasama sina Konsehal Joseph Vincent Ramos, Konsehal Martin Terrado II, Konsehal Amory Junio, at Konsehal Mylvin Junio, at Liga ng mga Barangay President Rodelito Bautista. Naroon din ang retiradong pinuno ng Bayamang District Hospital na si Dr. Nicolas Miguel upang tumulong magbigay ng libreng konsultasyon.
Gaya ng nakagawian, dinala ng gobyernong lokal ang mga iba’t-ibang serbisyo nito tulad ng medical check-up, X-ray, ultrasound, dental services, tooth-brushing drill, story-telling, COMELEC voter’s registration, agricultural services, Treasury at Assessor’s Office services, haircut, feeding activity, PNP lectures, rehistrasyon sa mga livelihood training program ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, at marami pang iba.
Puno ng pagbati at pasasalamat sa mga taga-Munisipyo ang Punong Barangay ng San Gabriel 2nd na si Gildo Madronio at ang Officer-in-Charge ng eskwelahan na si Leila Gabrielle.
Sa kanyang talumpati, inihatid ni Vice-Mayor Sabangan sa mga mamamayan, sa ngalan ni Mayor Cezar T. Quiambao, ang magandang balita tungkol sa nalalapit na pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka at residente ng Mangabul at ang pagkaapruba sa ipapagawang daan at tulay upang mapadali ang pagdala ng kanilang mga tindang produkto sa bayan.
“Sana ipagdasal natin ang kaligtasan naming lahat upang marami pang magagandang proyekto ang maiambag namin sa Bayambang,” pakiusap niya.
Sa okasyong ito, ipinakilala sa unang pagkakataon ang bagong General Manager ng Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. na si Romyl Junio. Pahayag niya: “Ang aking pagkakaluklok sa posisyon ay may halong tuwa at lungkot dahil kung sino pa ang gumagawa ng mabuti siya pa ang kikitilin ang buhay. Kung inaakala ninyo na ako ang kapalit ni Levin Uy, hindi, dahil ako lamang ay instrumento upang Ipagpatuloy ang magagandang naitutulong ng KKSBFI sa bayan.”
“Ang mga maliliit na tinig, kapag pinagsama-sama, maraming magagawa para sa bayan. Kaya, kasama ninyo, gagawin ko kung anong nasimulan ni Levin Uy para sa ikakaunlad ng mga Bayambangueno,” dagdag pa niya.
Puno ng pasasalamat ang mga residente sa distrito na naging benepisyaryo ng edisyong ito ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan. Ayon kay Cindy Gabriel, 34 anyos, “Magandang opurtunidad ang ganitong serbisyo dahil malayo kami sa bayan. At least [kahit man lang sa isang araw] maa-avail namin kung anumang kailangan namin na meron sa Munisipyo.” Sabi naman kay Jovelyn Derial, 34 anyos, “Napakaganda ang serbisyong binigay ni Mayor dahil malaking tulong sa amin ang magpakonsulta ng libre.”