DSWD SLP SERIES: Food Cart Business Naman ang Susubukan

Nagpamigay ang DSWD ng 32 food carts sa mga miyembro ng Pantawid Pamilya noong ika-20 ng Nobyembre sa Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. (KKSBFI), Brgy. Amanperez, bilang parte ng kanilang Sustainable Livelihood Program (SLP).

Paliwanag ng lider na si Municipal Link Randy Cacayan, ito yung kanilang inaasam-asam na proyekto noong 2016 pa.

Ayon pa sa Municipal Link, bilang parte ng proyekto, ang mga beneficiaries ay inaasahang magtatabi ng savings na P300 kada buwan mula sa kanilang kita na siya nilang huhugutin matapos ang dalawang taon.

Naroon sa awarding ceremony ang mga ka-partners ng DSWD sa mga SLP implementation, walang iba kundi ang LGU-Bayambang sa pangunguna ni Mayor Cezar T. Quimbao at ang mga kinatawan ng kanyang foundation.

Pambungad na mensahe ng OIC Managing Director ng KKSBFI na si Clara Basco, “Kahit nawala ang ama ng KKSBFI (ang dating Managing Director Levin Uy), hindi pa rin titigil sa pagtulong ang Foundation sa inyo, dahil alam naman ninyong basta ikakaganda ng bayan ay kanyang isinasakatuparan. Kaya sana tayo ay magtulungan upang ang nasimulan ni Levin Uy ay ating ipagpatuloy.”

Sabi naman ni Mayor Quiambao, “Huwag ninyong sasayangin ang magandang naiambag sa inyo ni Levin Uy. Sana payabungin ninyo ang kabuhayang ibinahagi sa inyo dahil isa lamang itong daan tungo sa inyong pag-unlad.”

“Alam ninyo, napakasarap maibahagi ang natamasa mong tagumpay sa kapwa, kaya kung kayo ay nagtagumpay, matuto kayong tumulong sa iba upang pag-unlad ay lubos nating makakamtan,” dagdag niya.

Bilang tugon, hinikayat naman ng presidente ng asosasyon ng mga papasok sa food cart business na si Marife Zacarias na magtulungan ang lahat upang lumago ang negosyo na kanilang nakamit. Nagpasalamat ito sa malaking tulong pangkabuhayan, dahil ito ang susi aniya sa pag-angat nila sa kahirapan.

Pangwakas na mensahe ni G. Cacayan: “Sana pahalagahan ninyo ito dahil kayo ang magpapatunay na kaya ninyong iangat ang inyong pamumuhay. … Sana ang pangkabuhayan na ito ay umpisa ng pagbabago ng mga buhay ninyo at hudyat na rin na kayo ay makasama sa pagwaive sa Pantawid Pamilya.”

Arrow
Arrow
Slider