Brgy. San Gabriel 2nd, Kinonsulta sa WB-PRDP-LGU Road-with-Bridge Project

Nagsagawa ang LGU ng Consultation Meeting sa San Gabriel 2nd Elementary School sa ika-16 ng Nobyembre ukol sa proyektong Improvement of San Gabriel 2nd Farm-to-Market Road with Bridge na nalalapit nang umpisahan ng World Bank-funded Philippine Rural Development Program (PRDP) ng Department of Agriculture.
Nagtungo roon sina Municipal Chief of Staff at Legal Officer Atty. Raymundo Bautista Jr. kasama sina Municipal Engineer Eddie Melicorio, Municipal Assessor Annie de Leon, Municipal Treasurer Luisita Danan, Municipal Agriculture Officer Artemio Buezon, Municipal Planning and Development Officer Ma-lene Torio, kanilang mga staff, at ang kinatawan ng PRDP na sina Engr. Anthony Yanes at Engr. Rommel Tejano.

Ang konsultasyon ay dinaluhan din ni San Gabriel 2nd Punong Barangay Gildo Madronio, na siyang nagtawag at nagtipon sa kanyang mga kabarangay. Naroon din ang kapitan ng iba pang mga karatig-barangay.

Pahayag ni Atty. Bautista, “Sa proyektong ito ay malaking benepisyo ang inyong makakamtan, kaya kooperasyon ninyo ang aming kailangan. Maging bukas sana ang puso at isip natin upang maintindihan ang magandang proyektong ito na handog ni Mayor Cezar T. Quiambao para sa inyo.”

Paliwanag ni Engr. Yanes, ang PDRP ang siyang magfafacilitate sa pagbaba ng pondo galing sa World Bank. “Ang mamamayan ang susi upang maisakatuparan ang proyektong ito,” dagdag niya. Matatandaang 80% ng pondo ay sasagutin ng World Bank, at 10% ay sasagutin ng Department of Agriculture, at ang natitirang 10% naman ay sasagutin ng LGU.

Binigyang-diin naman ni Engr. Tejano ang enviromental safeguard aspects ng proyekto. “Titinignan naming mabuti kung kayo ay sasang-ayon sa gagawing proyekto at sisiguraduhing hindi makasisira ito sa kalikasan,” aniya.

Ipinaalam rin niya na “60% sa kukunin na contractual laborers ay manggagaling sa inyong barangay.” “Lahat ng matatamaan sa inyong pagmamay-ari ay sasagutin ng Munisipyo, kaya’t sana ay magtulungan tayo upang maisakatuparan ang pagganda ng inyong daan.”

Sa open forum, nagpahayag ang mga residente ng kanilang saloobin, kabilang na ang tungkol sa mga tatamaang lote at ari-arian. Naglahad din ng saloobin ang Principal ng paaralan na si Eugenio T. de Leon Jr. ukol sa kakailanganing pagsangguni sa Department of Education dahil matatamaan din aniya ang bakod ng San Gabriel 2nd Elementary School.

Ang mga agam-agam ay pinawi ni Atty. Bautista, nang katigan nito ang nauna nang sinabi ni Engr. Tejano: “Napag-usapan namin na kung ano’ng madadamay sa proyekto ay aming aayusin at mas papagandahin.” Tugon naman ni Engr. Tejano sa Principal: “Huwag kayong mabahala, dahil kami ay gagawa ng sulat sa DepEd, at isesecure namin ang paaralan upang walang masasaktan sa mga mag-aaral.”

Sa huli, kitang-kita ang pagsang-ayon sa proyekto ng mga taga-San Gabriel 2nd nang tahasang tanungin ni Engr. Melicorio kung sila ba ay payag dito.

Arrow
Arrow
Slider