Muling inalala ang isa sa mga pinakamahalagang parte ng kasaysayan ng Bayambang sa selebrasyon ng SingKapital 2018. Ang SingKapital, na nagmula sa mga salitang “singko” at “kapital,” ay ang taun-taong pag-alala ng pagdeklara ni Presidente Emilio Aguinaldo sa bayan ng Bayambang bilang ikalimang kabisera ng bansa noong ika-12 ng Nobyembre 1898.
Sa pangunguna ni Senior Tourism Operations Officer Rafael L. Saygo, sama-samang ipinagdiwang ang pangyayari na nagtatak sa bayan ng Bayambang sa kasaysayan ng Pilipinas. Naroon sina Councilor for Tourism Joseph Vincent Ramos, Sangguniang Bayan Majority Floor Leader Benjamin Francisco de Vera, mga miyembro ng Bayambang Municipal Council for Culture and the Arts (BMCCA), kasama ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, mga manggagawa ng munisipyo, mga opisyal ng barangay, at mga punong-guro, guro at estudyante ng mga pampubliko at pribadong eskwelahan.
Binuksan ang selebrasyon sa harap ng rebulto ni Hen. Emilio Aguinaldo sa Munisipyo sa pamamagitan ng Ritwal na Panangabet. Pagkatapos ay itinampok ang sayaw na “Dango Pilipinas” sa direksiyon ni Dr. Joan Orbillo ng Bayambang National High School (BNHS). Naroon din ang mga cantores mula pa sa Brgy. Beleng upang kumanta ng “Dasal ya Pikakasi.”
“Tayo ay may magandang kultura, at isa sa mga ito ay masasaksihan sa araw na ito,” ani BMCCA Executive Director Prof. Januario M. Cuchapin sa pormal na programa sa loob ng Balon Bayambang Events Center. “Sana kayo na nandirito ang magbalita sa ating komunidad na ang Bayambang ay minsang naging kapital ng Pilipinas,” dagdag pa niya.
Sa mensahe ni Vice Mayor Raul R. Sabangan na binasa ni Konsehal Ramos, nagbigay-diin siya sa kahalagahan ng kasaysayan sa kasalukuyan at sa kinabukasan ng isang bayan. “For those of us who keep so much of the rich cultural heritage and history of Bayambang, it brings great joy and pride to witness the commemoration of our beloved town as a part of the history of the Philippines,” aniya.
Naging kinatawan naman ni Mayor Cezar T. Quiambao si Konsehal De Vera, at sa kanyang mensahe, kanyang binigyang-diin na panandalian man ang naging papel ng Bayambang sa istorya ng pagsisikap ng mga Pilipinong maging isang malayang bansa, ito ay hindi aksidente lamang. “Walay reputasyon na baley tayo diad pan-aksubi tan pan-aro na aray makabayan. Wala’y reputasyon tayo ya baley na masesebeg, makabayan, tan kabusol to ray totoon makasarili,” habang sinariwa na nagpunta sa may Cadre Site si Heneral Antonio Luna upang magprepara ilang buwan bago dumating si Heneral Aguinaldo. Kanya ring pinaalala na ang pinakaunang rebelyon sa Pangasinan ay naganap sa tinaguriang Battle of Bayambang na pinamunuan ni Juan dela Cruz Palaris.
“Kumon et gamiten tayo yan reputasyon, aliwan diyad panlastog, balet bilang rebelyon para ed kamaongan.” Inihalintulad ni Konsehal De Vera si Mayor Cezar Quiambao bilang isang halimbawa ng katapangan at pagkamakabayan sa paglunsad nito ng isang rebelyon para sa kabutihan sa kanyang Rebolusyon Laban sa Kahirapan.
Naging panauhing pandangal sa okasyon si Rona R. Repancol, isang dalubhasa sa Cultural Heritage Studies mula sa Unibersidad ng Santo Tomas. Siya ay nagpresenta ng kanyang pananaliksik tungkol sa isa sa mga walang-dudang tatak-Bayambang, ang St. Vincent Ferrer Church.
Sa gitna ng pagdiriwang, sinariwa rin — muli ng mga mananayaw ng BNHS — ang pagpanaw ng anak ni Aguinaldo na si Flora Victoria, ang “flower of victory” ng Pamahalaang Rebolusyunaryo, at paglibing sa kanya rito sa Bayambang bago ipagpatuloy ng Heneral at hukbo nito ang paglakbay patungong Norte.
Isang highlight ng SingKapital ay ang paglagda ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng LGU-Bayambang, Bayambang National High School, at Center for Pangasinan Studies (CPS) para sa Bayambang Culture Mapping Project. Nirepresenta nina Kagawad Ramos at De Vera ang LGU sampu ng mga pinuno ng Tourism, Museum, at Library, samantalang kumatawan sa BNHS sina Principal Mary Ann J. Payomo at original proponent na si Christopher Q. Gozum. Dumating din sina Executive Director Dr. Perla Legazpi at Assistant Director Joselito Torio upang kumatawan naman sa CPS.