Komprehensibong Serbisyo sa Bayan, Dinala sa Tamaro

Naganap muli ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan sa Tamaro-Tambac Elementary School noong ika-9 ng Nobyembre.

Kasama ang mga barangay ng Tambac, Tamaro, Nalsian Norte, Nalsian Sur, at Bacnono sa District 8 sa mga naserbisyuhan. Gaya ng nakagawian, dinala ng gobyernong lokal ang mga iba’t-ibang serbisyo nito tulad ng medical check-up, X-ray, ultrasound, dental services, tooth-brushing drill, story-telling, COMELEC voter’s registration, agricultural services, Treasury at Assessor’s Office services, haircut, feeding activity, PNP lectures, rehistrasyon sa mga livelihood training program ng Kasama Kita sa Barangay Foundation, at marami pang iba.

Pambungad na bati ni Tamaro-Tambac Elem.School Principal Nancy B. Gutierrez: “Ito yung pinakahihintay ko dahil di ko naabutan nung ako’y nasa Tanalong, kaya ako’y nagagalak. Kaya sa serbisyong ito ay inyong ramdamin ang pagmamahal ni Mayor Cezar T. Quiambao sa atin.” Naibahagi din nito na hindi pa siya Mayor ay tumutulong na: “Minsan ay nagbigay siya ng sound system sa aming paaralan, kaya ito ay aming inaalagaan.”

Paliwanag ni Vice-Mayor Raul Sabangan, ang Komprehensibo ay ang pinaigting na pagtulong ng Munisipyo ayon na rin sa nakitang sitwasyon ng Quiambao-Sabangan administration sa mga barangay na malayo sa sentro. “Kaya sana ay patuloy ang inyong pagsuporta sa amin, piano aga napultot so panangaro mi ed sikayo, insan unasenso’y baley na Bayambang.”

Sabi naman ni Mayor Cezar T. Quiambao, “Pangalawang taon na ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan at nagkataon din na eleksyon sa susunod na taon. Pero kahit ganun ay hindi po mapipigil ang mga tulong na serbisyo sa inyo.”

Sinambit din niya na isang misyon na lamang ang hindi pa niya naisasakatuparan – ang paglaban sa kahirapan – “dahil hindi madali ang maisagawa ito. Ngunit kung tayo ay magtutulangan madali nating magagapi ang kahirapan sa ating bayan.”

Naibahagi din niya ang mga magagandang pagbabago na nangyayari sa bayan ng Bayambang, at sa likod nito, isa lang aniya ang kanyang hinihiling: “Piliin kung sino ang totoong may malasakit sa bayan, at huwag makinig sa mga taong makasarili, na walang napapatunayan. Magkaisa tayo, upang pag-unlad ating makamtan.”

Sa kanyang pantapos na mensahe, inulit muli ni Kasama Kita sa Barangay Foundation Managing Director Levin Uy ang lagi niyang sinasambit tungkol sa kung ano ang kabuluhan ng ‘Balon Bayambang’: “Nanengneng tan nalilikna so uley ya Quiambao-Sabangan. Ag tayo kumon manisya ed saray mandederal ed sayan ulupan, piano say asenso tayo et mantuloy-tuloy.

Dumalo rin sa programa sina Konsehal Joseph Vincent Ramos, Konsehal Martin Terrado II, Konsehal Amory Junio, Konsehal Philip Dumalanta, Konsehal Mylvin Junio, Liga ng mga Barangay President Rodelito Bautista, at Sangguniang Kabataan Federation President Gabriel Tristan Fernandez. Naroon din ang mga opisyales at miyembro ng Rotary Club of Bayambang upang magbigay ng kaunting meryenda sa lahat.

Ayon sa tala ng HRMO, may 900 benepisyaryo sa edisyong ito ng Komprehensibong Serbisyo, na kung saan bakas ang saya at pasasalamat sa mukha ng mga residente sa distrito. Sabi ni Merlina Tamondong, 59 anyos, “Maganda ito, para gumaling yung may mga karamdaman. Nakakagaan sa amin ang ganitong serbisyo.” Sa tingin naman ni Sally Agaceta, 36 anyos, talagang “quality service” ang handog ng Quiambao-Sabangan team: “Sana magtuluy-tuloy ang kanilang mga magandang adhikain upang marami pa silang matulungan.”

Ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan ay patunay lamang na kahit saan mang bahagi ng Bayambang ay binibigyang pansin ng LGU-Bayambang sa ilalim ng maka-mahirap na pamumuno ng administrasyong Quiambao-Sabangan.

Arrow
Arrow
Slider