Noong ika-26 ng Oktubre sa Balon Bayambang Events Center, ipinagpatuloy ni Mayor Cezar T. Quiambao ang pakikipagdayalogo sa mga claimants ng Bani property na kung saan kasama sa unang pagkakataon si Engineer Abelardo Palad ng CAT Realty Inc., ngunit di ito sinipot ng mga nagrereklamong residente.
Ayon sa Assessor’s Office, si Engr. Palad ng CAT Realty ang siyang nakarehistrong nagmamay-ari ng 67-ektaryang lupa sa Bani
Matatandaang nag-rally sa harap ng Munisipyo ang naturang mga residente sa pangunguna ni Anakpawis at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas area spokesperson Rodolfo ‘Pong’ Natividad noong nakaraang Lunes (Oktubre 22). Ang mga rallyista ay pinaunlakan ni Mayor Quiambao ng biglaang dayalogo sa Events Center noong araw ring iyon.
Ayon kay Mayor Cezar T. Quiambao, siya ay humingi ng muling pag-uusap sa sumunod na araw ng Miyerkules kasama si Engr. Palad, ngunit siya ay nalungkot sa di pagdating ng mga claimants. “Gumawa ako ng paraan upang maging maayos ang ating bayan upang di tayo magkagulo.”… “Ako lamang ay nagbibigay ng tulong upang malutas ang problemang ito (na inabutan ko lamang). Kaya simula ngayon, wala nang magrarally, at kailangan muna ng permiso sa ating LGU.”
Sinabi naman ni Engr. Palad na may kasunduan na siya sa ilang claimants sa property na kung saan siya ay willing magdonate ng lupa na paglilipatan sa kanila. “Ako ay dumalo rito dahil tinawagan po ako ni Mayor Quiambao at para malinawan ang mga usapin tungkol sa lupa.”