TULUY-TULOY NA SUPORTA PARA SA MGA DRUG REFORMISTS: PNP, LGU nagdaos ng Community Support After Care and Reintegration Program

Naglunsad ang PNP Bayambang, sa pakikipagtulungan sa LGU, ng Community Support After Care and Re-Integration (CSAR) Program noong Oktubre 19 sa Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. na dinaluhan ng mga drug reformists mula sa ng iba’t-ibang barangay.

Pambungad na mensahe ni Municipal Health Officer Dr. Paz Vallo, “Kayo po ay aming tinitignang muli kung kayo ay nagbago na. Sana hindi na kayo bumalik sa maling gawain at kung may problema man kayo, sa Diyos na lang kayo kumuha ng lakas upang malampasan ang inyong mga pinagdadaanan.”

“Bukas-palad po kami ni Mayor Cezar T. Quiambao na tumulong sa inyo, kaya huwag po kayong mahihiyang lumapit sa amin. Sana tuloy-tuloy ang inyong pakikiisa upang magkaroon kayo ng matiwasay na pamumuhay.”

Sa kanyang inspirasyunal na mensahe, nagpasalamat si Mayor Cezar T. Quimbao sa kusang pagdalo ng mga 200 drug reformists. “Ang After Care ay isang programa na pagkatapos ninyong marehabilitate ay magiging tuloy-tuloy pa rin ang pagkalinga sa inyo,” aniya.

Nagibitiw din ng pangako si Mayor Quiambao na isasama ang mga reformists sa bamboo farming project sa mga bara-barangay upang ito’y kanilang maging hanapbuhay.

“Isa itong tulong upang kayo ay makapagbagong-buhay at mabigyan ninyo ng magandang kinabukasan ang inyong mga pamilya. Nawa’y ibalik ninyo ang inyong mga puso sa ating Poong Maykapal at magsilbing sandigan niyo upang dumiretso kayo sa tamang landas.”

Nagsalita rin si Pastor Illarde Aggabao ng Bayambang Baptist Church bilang parte ng Moral Recovery Program component ng After Care Support, samantalang si Agent Dexter B. Asayco naman ng PDEA-RO1 ay naglektyur tungkol sa Preventing Drug Addiction.

Pinangunahan naman ni Dr. Vallo ang RHU staff sa pagsagawa ng medical checkup sa mga reformists.

Naroon sa programa sina Konsehal Martin Terrado II at Konsehal Amory Junio, at mga iba’t-ibang Punong Barangay ng Bayambang.

Arrow
Arrow
Slider