Senior Citizen’s Day 2018: Pagkilala sa mahalagang papel ng nakatatanda

Mahigit isang libong senior citizens ang gumunita sa selebrasyon ng Senior Citizen’s Day sa Balon Bayambang Events Center noong ika-4 ng Oktubre sa temang “Kilalanin at Parangalan, Tagasulong ng Karapatan ng Nakatatanda Tungo sa Lipunang Mapagkalinga.”

Binigyang kasiyahan ang araw na ito ng mga kantahan, sayawan, raffle draw, at pagbati mula sa mga iba’t-ibang opisyales ng bayan sa pangunguna ni Mayor Cezar T. Quiambao, at maging ni provincial Board Member Angel Baniqued Jr. at former San Carlos City Councilor Vici Ventanilla.

Naroon din bilang parte ng organizers sina Municipal Social Welfare and Development Officer Lerma Padagas at Federation of Senior Citizen Associations of Bayambang President Eligio Veloria.

May 1,140 senior citizen mula 77 barangay ng Bayambang ang nagsipagdalo.

Sa kanyang inspirasyunal na mensahe, pinahalagahan ni Mayor Cezar T. Quiambao ang mga senior citizens sa pagsabing, “Malaki ang naitutulong ng mga senior citizen sa iba’t-ibang larangan, mapa-ekonomiya man o paghubog ng pag-uugali at maging sa pananampalataya.” Nagpahayag din siya ng paniniwalang ang mga seniors ay maaari pa ring matuto sa iba’t-ibang larangan, tulad ni Col. Sanders na nagtayo ng negosyo sa edad na 88 kaya’t mayroon ngayong Kentucky Fried Chicken o KFC.

“Let our advanced years allow us to live life with love, understanding and compassion. Mapalad tayo at inabot natin ang pagiging senior citizen, kaya magpasalamat tayo ngayong araw sa pagdiriwang na ito.”

Nagpasalamat din si Vice Mayor Raul Sabangan “dahil binigyan kayo ng Panginoon ng lakas upang dumalo sa araw na ito.” “Alam ko kung paano mag-alaga ng matatanda dahil dinanas ko ito sa pagkalinga sa aking mga lolo at lola, kaya nasisiyahan ako na makita kayo sa pagdiriwang na ito dahil isa kayo sa nag-alaga sa ating bayan — dahilan din kung bakit nandito kami upang tugunan ang mga pangangailangan ninyo,” aniya.

“Mga minamahal naming senior citizens, sana patuloy pa rin kayong magtiwala upang kayo ay aming mapagsilbihan sa mga susunod pang taon,” dagdag pa niya.

Sa kanyang sariling pagbati, sinabi ni Board Member Angel Baniqued, Jr. na “Ito ang araw ng pagbibigay-respeto sa mga senior citizen dahil kung wala kayo wala din po ako sa harap ninyo. Malaki ang pagmamahal ko sa inyo kasi kayo ang nangangaral sa amin at pumupuna sa maling nagawa, kaya malapit ang loob ko sa inyong mga senior citizen…”

Nagsipagbigay-pugay din ang lahat ng Konsehal na nagsipagdalo. Itinuring ni Konsehal Martin Terrado II ang mga seniors bilang mga taong “kinapupulutan ng gintong aral,” ni Konsehal Amory Junio “bilang “gabay sa paghakbang,” at ni Konsehal Mylvin Junio bilang “ating pangalawang magulang, mapagkalinga at mapagtuwid sa maling pag-uugali.” Nagpasalamat naman sina Konsehal Joseph Vincent Ramos at Philip Dumalanta sa pagkakaisa at pagsuporta nila at nagpahayag rin ng kanilang suporta sa pamamagitan ng mga mga lehislasyong naaayon sa kapakanan ng mga senior citizens.

Arrow
Arrow
Slider