Nag-organisa ang Municipal Agriculture Office ng seminar na pinamagatang “Comprehensive Research and Development Program on Integrated Pest Management for Onion Armyworm,” at ito ay ginanap sa Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc., Brgy. Amanperez, noong Setyembre 27.
Ito ay dinaluhan ng mga onion farmers mula sa 18 barangays na naapektuhan ng pesteng harabas.
Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Senior Agriculturist II Ricardo dela Masa na sadyang itinaon ang seminar sa buwan ng pagtatanim ng sibuyas “upang bigyan kayo ng kaalaman para hindi na maulit ang kalamidad na nangyari sa inyong pananim.”
Ayon naman sa presidente ng Federation of Farmers Association of Bayambang na si Eligio Veloria, ang seminar ay malaking oportunidad para sa mga magsasaka. “Sana samantalahin natin ang pagkakataong matuto sa mga kaalaman na imumungakahi ng ating mga eksperto, at sana mawala na ang harabas upang gumanda ang ani ng ating mga magsasaka,” dagdag niya.
Paliwanag naman ni High-Value Crops Development Program Provincial Coordinator Violeta M. Laforteza, binuo ng provincial government ang seminar bilang tulong sa mga magsasaka, at binanggit din nito na nakatakdang magbigay ng onion seeds ang Office of the Provincial Agriculturist para magkaroon sila ng magandang panibagong simula.
Sa seminar proper, ibinahagi ni Pablito Gonzales na galing sa NCPC-UPLB, kasama sina Melvin M. Ebuenga, Gideon Aries S. Burgonio, at Byron Amadeus G. Cayabyab, ang kanilang kaalaman sa “Use of Pheromone on Onion Armyworm Management.” Sumunod na nagturo sina Marcela M. Navasero at Randolph N. Candano ng NCPC-UPLB tungkol sa “Biological Studies on Onion Armyworms.” Tinalakay nina Michelle S. Guerrero, Bonifacio F. Cayabyab, at Lyle M. Alforja ng NCPC-UPLB ang “Efficacy Test of Botanicals & Microbials against Onion Armyworm,” at nagbigay-kaalaman naman sina Mario V. Navasero, Karen V. Ardez, at Maiden Bato tungkol sa “Insecticide Management & Resistance Studies on Onion Armyworm.” Ang panghuli ay si Municipal Agriculturist Elda Esguerra na nagbahagi tungkol sa “Quality & Safety Assessment and Post-Harvest Behavior of Onion.”
Nagkaroon ng open forum matapos ang mga talakayan.