Nagsagawa ang Department of the Interior and Local Government ng “Training on the Strengthening of the Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC)” sa Balon Bayambang Events Center noong September 4. Ito ay dinaluhan ng iba’t-ibang Municipal Local Government Operations Officers (MLGOOs) at mga Barangay Councils ng sampung bayan ng Pangasinan, kabilang ang Bayambang, Bautista, San Carlos, Alcala, Malasiqui, Santo Tomas, Santa Barbara, Basista, Urbiztondo, at Calasiao.
Sa panimulang programa, pinakilala ni Bayambang MLGOO Romarie Soriano ang mga participants at mga nakahanay na resource speaker.
Inimbitahan sa programa si Mayor Cezar T. Quiambao, na nagsabing ang training na ito “ay welcome na welcome na aktibidad dahil naniniwala tayo na ang peace and order ay responsibilidad ng bawat isa.” Nasambit din niya na “kung ang pamilya ang tinaguriang basic unit of society, ang barangay naman ay ang basic unit of government. Napakahalaga ng inyong papel sa lipunan at sa gobyerno dahil kayo ang tumutulong sa mga nalilihis ng landas upang masawata ang di kanais-nais sa ating kapaligiran. Kaya ang training na ito ang siyang magsisilbing unang hakbang, at magsisilbing kasangkapan, upang makita nating tunay na maunlad at mapayapa ang ating bayan.”
Sabi naman ni MLGOO Mr. Jose Agustin, Jr., ginawa ang training upang tugunan ang mithiin ni Presidente Dueterte na masugpo ang problema ng droga sa ating bansa. Kabilang sa mga paksang tinalakay sa training ay mga sumusunod: Introduction to BADAC, Formulation of BADAC Plan of Action, at Integration of the BADAC Plan of Action to the BPOPS Plan.
“Nawa’y magtulungan tayo upang mabawasan ang kriminalidad sa ating bayan,” panawagan ni Agustin.