Naganap muli ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan noong Agosto 3, kung saan dinala ang Munisipyo sa Brgy. Amanperez upang silbihan ang mga nasa District 6 at 7 kasama ang Amanperez, Alinggan, Asin, Bani, Ligue,Tococ East, at Tococ West. Kasama sa mga libreng serbisyong hatid ng LGU-Bayambang ang distribusyon ng seedlings at seeds, dental at medical services, application for police clearance at PWD/solo parent/senior citizen ID, COMELEC registration, at marami pang iba.
Sa unang pagkakataon, sumama ang Municipal Library sa Komprehensibong Serbisyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng application forms para sa gustong mag-apply online for a Philhealth account, passport, CENOMAR, birth certificate, at iba pang serbisyo, salamat sa Tech4Ed connection ng Municipal Library.
Sa munting panimulang programa, binati ni Amanperez Elementary School Principal Gemma Matabang ang delegasyon mula sa LGU. At sa kanyang pambungad na mensahe, nagpasalamat si Amanperez Punong Barangay Gina Bautista sa mga municipal officials na kinabibilangan ni Vice-Mayor Raul Sabangan, Municipal Councilors, at iba’t-ibang department heads. “Kung wala ang Quiambao-Sabangan administration, di magiging magsuccessful ang ganitong serbisyo,” pagdidiin niya.
Pinabatid naman ni Vice-Mayor Sabangan ang mensahe ni Mayor Cezar T. Quiambao sa mga taga-Dist. 6 at 7: “Sana ay masiyahan po tayo sa handog naming tulong. Binigyang prayoridad natin ang pagdala rito ng mga serbisyo ng munisipyo dahil nakita ng ating mayor ang pangunahing problema ng mga tao, ang kalusugan.”
Naroon din ang Managing Director ng Kasama Kita sa Barangay Foundation na si Levin Uy, na nag-anyaya sa mga taga-distrito: “Bukas po ang aming foundation sa mga gustong kumuha ng skills training at livelihood training upang magamit ninyo ito sa paghahanap ng trabaho.”
Bakas sa mga mukha ng mga residente ang pananabik sa mga naturang serbisyo, at hiling nila na sana magtuluy-tuloy ang pagbibigay-kaginhawaan ng proyektong ito sa lahat ng mamamayan ng Bayambang.”