Ang pagbubukas na programa para sa pang-44 taong Buwan ng Nutrisyon noong Hulyo 4 sa Events Center ay nagwakas sa pagkakaroon ng tradisyunal na Search for A1 Child. Ito ay patimpalak para sa mga batang musmos mula sa Child Development Centers ng iba’t-ibang barangay ng Bayambang.
Sa patimpalak na ito, nakawiwiling panoorin ang mga batang bibo at aktibo na nagpakitang-gilas sa pamamagitan ng kani-kanilang kaalaman at talento.
Ang criteria ng patimpalak na ito ay 20% presentation, 30% talent, at 50% Q&A, at ang board of judges ay kinabibilangan nina Cecilia M. Delgado na President ng Child Development Workers (CDW) ng Mapandan, Rebecca V. Ignacio na CDW President ng Bautista, at Marilyn M. Cayabyab na CDW President ng San Carlos City.
Sa 22 na kalahok, anim lamang ang napiling magwagi, tatlo para sa female division at tatlo rin para sa male division. Nang matapos ang pagpapamalas ng kanilang galing, itinanghal na A1 Child female winner si Crystal Faith Mabanglo ng Zone VII. First runner-up naman si Chelsea Immanuele C. Junio ng Buenlag 1st at 2nd runner-up si Chloe Elizabeth M. Sagun ng Inirangan. Ang male A1 winner naman ay si King Ariestone Galsim ng Bacnono. First runner-up si Prince Matteo Cayabyab ng Inirangan at 2nd runner-up naman si Vince Alden C. Garin ng Sancagulis.
Nakatanggap ng P2,000 cash ang mga A1 Child winners, at P1,500 naman para sa 1st runners-up at P1,000 para sa 2nd runners-up. Binigyan ng P500 consolation prize ang mga hindi pinalad magwagi.
Inaasahan ng patimpalak na ito na inorganisa ng special body na Municipal Nutrition Committee na maikintal sa isipan at damdamin ng mga kabataan ang halaga ng sapat na nutrisyon sa pagkakaroon ng malakas na pangangatawan at matalas na isipan.