Nagpamigay ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng mga libreng buto ng gulay mula sa national office ng Department of Agriculture (DA) sa mga 66 na presidente ng mga farmers’ association sa Bayambang upang ipamahagi sa kani-kanilang mga miyembro. Ito ay ginanap sa Balon Bayambang Events Center noong Hunyo 13.
Iba’t-ibang klase ng buto ang ipinamigay, tulad ng upo (Tambuli variety), ampalaya (Verde Buenas, Poseidon, at Ilokana varieties), okra, pechay, talong (Spite Fire at War Hawk varieties), Pinatubo hot pepper, sitaw, sili pansigang, patola, at kamatis. 1,272 cans/packs ang sumatotal ng vegetable seeds na naipamigay.
Nagbigay din ang LGU-Bayambang ng libreng organic composting accelerant mula sa Organika. Gawa sa animal and plant growth-promoting bacteria, ang isang litro nito ay nagkakahalaga ng P1,300. Ayon sa head ng MAO na si Artemio Buezon, ang pondong pinambili rito ay galing sa budget ng kanyang departamento.
Noong nakaraang linggo, nauna nang nagpamudmod ang LGU ng libreng tulong pinansiyal, abono at palay sa mga naharabas na magsasaka. Ang paunang tulong ay galing sa calamity fund ng LGU at sa provincial (abono) at regional (palay) offices ng DA.