Noong ika-12 ng Hunyo taong 1898 idineklara sa Kawit, Cavite ang kalayaan ng bansang Pilipinas mula sa mga kamay ng mga dayuhang mananakop. Sa bahay ni Heneral Emilio Aguinaldo nasaksihan ng mga Pilipino ang pagladlad ng pambansang watawat at narinig ang pambansang awit ng Pilipinas. Ito na ang ipinagdiriwang ng bawat Pilipino ngayon tuwing Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan.
Ngayong 2018, inalala ng mga Bayambangueño ang ika-120 na anibersaryo ng makasaysayang pangyayaring ito sa pamamagitan ng isang maikling programa na inorganisa ng Bayambang Municipal Council for Culture and the Arts at ng Municipal Tourism Office na pinamumunuan ni Senior Tourism Operations Officer Rafael L. Saygo sa harapan ng rebulto ni Heneral Aguinaldo sa munisipyo. Sa kanyang mensahe, tinawag ni Mayor Cezar T. Quiambao ang bayan ng Bayambang bilang “kanlungan ng mga bayani” dahil nagtungo rito ang ilang mga magigiting na personalidad sa kasaysayan tulad na lamang nina Heneral Antonio Luna at ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose P. Rizal. Dito rin sa Bayambang naganap ang unang rebelyon sa Pangasinan laban sa mga Espanyol at sa bayan ng Bautista naman, na noon ay parte pa ng Bayambang, isinulat ang ating pambansang awit na “Lupang Hinirang.”
“Freedom is the best thing we have inherited from our heroes,” ani Kagawad Benjamin de Vera. “The peace we enjoy today is made possible by their heroism.” Ngunit ayon kay Atty. Raymundo B. Bautista Jr., patuloy na ipinaglalaban ng administrasyong Quiambao-Sabangan ang kalayaan ng bawat Bayambangueño sa pamamagitan ng paglaban sa korapsyon, krimen, at kahirapan at pagsiguro ng kanilang kalusugan, kaalaman, at kabuhayan. At ang ehemplo ng makabagong bersyon ng KKK sa kasalukuyan, aniya, ay ang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan, Kasama Kita sa Barangay Foundation, Inc., at Kyambao (Mayor Quiambao). “Ang lahat ng ito ay posible po lamang sa pamamagitan ng ating mahal na Mayor, Dr. Cezar T. Quiambao,” dagdag niya.
“Ikaw ba ay makabayan o makasarili?,” tanong ni Mayor Quiambao sa mga dumalo, kabilang si Bise-Alkalde Raul R. Sabangan, ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga bagong halal na opisyal ng Sangguniang Kabataan, mga pinuno ng mga departamento ng Bayambang National High School, mga pinuno ng iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan, mga empleyado ng munisipyo, at iba pang mga panauhin. Hinikayat niya ang mga mamamayang Bayambangueño na isipin muna ang kapakanan ng bayan bago ang sarili nilang kapakanan.
Hinikayat naman ni Vice-Mayor Sabangan ang mga dumalo na ipagpatuloy ang kabayanihang ating minana bilang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagiging bayani sa kung ano man ang ating posisyon sa kasalukuyan.
“Let us continue to work hard for peace and unity,” pampinid namang mensahe ni Kgwd. De Vera.
Nagtapos ang maikling programa sa pamamagitan ng pagkanta nina Mayvelyn Reyes at Jamaica Gante, mga miyembro ng PSU Chorale na pinamumunuan ni Mrs. Melanie Junio, ng isang makabayang awiting pinamagatang “Dakilang Lahi” na orihinal na kinanta ni Anthony Castelo. Itinanghal naman ng Matalunggaring Dance Troupe sa pamumuno ni Jordan Neri ang isang katutubong sayaw bilang pag-alala sa makulay na kasaysayan ng bayan ng Bayambang.