Mensahe ni MCTQ sa pang-120 Araw ng Kalayaan (2018): “Ikaw ba ay Makabayan, o Makasarili?”

Ang Bayambang ay kanlungan ng mga bayani, a refuge of heroes.
Tila nakakalimot ang nakararami rito, dahil marahil ang bagay na ito ay ‘di binibigyan ng tamang pagpapahalaga.

Ang panahon ng paggunita sa Araw ng Kalayaan ay panahon upang ipaalala ang bagay na ito.

Ayon sa kasaysayan, limang buwan bago gawing kabisera ng bansa ang bayan ng Bayambang ni Hen. Emilio Aguinaldo, nagtungo rito ang kanyang Teniente Koronel na si Hen. Antonio Luna sa lugar na kung tawagin ngayon ay Cadre Site, bago ito tumuloy sa Cabanatuan, Nueva Ecija at paslangin ng mga kaaway nito sa pulitika.

At noon ngang Nobyembre 12, 1899, dito nagdeklara ang unang Pangulo ng Pilipinas, si Hen. Aguinaldo, na buwagin muna ang Republika upang magbigay daan sa giyera laban sa mga mananakop. Kaya naman tayo may selebrasyong tinatawag na SingKapital kada taon.

Sa isang lugar sa Bayambang din na kugn tawagin ngayon ay bayan ng Bautista isinulat ang titik ng ating naging Pambansang Awit.

Sa Bayambang naglimbag ng pahayagan ang mga patnugot ng La Independencia? upang patuloy na ipaalam sa taong-bayan ang tungkol sa paghihimagsik laban sa mananakop.

Sinasabing namalagi si Dr. Jose Rizal, ang mismong pambansang bayani, sa Bayambang dahil dito siya bumababa ng tren patungong Camiling upang dalawin ang kasintahang si Leonor Rivera.

Ang unang rebelyon kontra Espanyol sa Pangasinan ay sa bayang ito naganap. Sinasabi pa ng mga historyador na halos walang natirang ancestral houses sa Bayambang dahil sa pagrerebelde ng mga taga-Bayambang.

Bakit mahilig tumuloy sa Bayambang ang mga naturang bayani? Sa paniniwala ng isang historyador, ito ay dahil sa reputasyon ng mga taga-Bayambang na sila ay kakampi ng mga bayani, na sila ay maka-bayani.

Samakatwid, historically speaking, Bayambang is a town of heroes, a refuge of heroes. Maraming mga taga-Bayambang ang lingid sa ating kaalaman ay nagpakabayani at nagpakagiting din sa sarili nilang pamamaraan. Ang ilan sa mga ito ay pinarangalan natin ng Matalunggaring Award noong nakaraang kapistahan. Ganitong klase ng kasaysayan ang minana ng bawat isa sa atin. Kung gayon, magandang itanong sa ating sarili kung tayo ba ay karapat-dapat sa ganitong mga pamanang yaman ng kasaysayan.

Sa Araw ng Kalayaan, magandang itanong sa ating sarili: “Ako ba ay makabayan tulad nila, o makasarili?”

Hindi ka bayani at hindi ka makabayan kung ikaw ay nangongotong, nangungurakot sa kabang-yaman ng bayan, naninira ng kapwa, nagkakaladkad pababa sa mga umaangat sa buhay, nagtatapon ng basura kung saan-saan, tamad at walang ambisyong magbago at umunlad sa buhay…

Hindi bagay sa bayan ang Bayambang ang makasarili. Sa araw na ito,
hinihikayat na ang lahat ay makiisa sa kasalukuyang laban natin sa kahirapan sa pamamagitan ng pagsapi sa Rebolusyon bilang mga tunay na mga bayani, bilang tunay na mga makabayan.

DR. CEZAR T. QUIAMBAO
Municipal Mayor

Arrow
Arrow
Slider