Engrandeng Kasalang Bayan, Idinaos


Napuno ng pagmamahalan ang Balon Bayambang Events Center sa Araw ng mga Puso nang mag-organisa ang Local Government Unit ng Bayambang, sa pangunguna ng Municipal Civil Registrar, ng isang engrandeng libreng kasalang bayan para sa mga magkasintahang matagal nang nagsasama. Isandaang pares ang dumalo upang mag-isang dibdib sa harap ng kanilang mga magulang, ninong at ninang, at iba pang mga bisita noong ika-14 ng Pebrero.

Si Mayor Cezar T. Quiambao ang nagsilbing Solemnizing Officer ng opisyal na seremonya kung saan kasama rin niya ang kanyang maybahay na si Niña Jose-Quiambao.

Sa kanyang panimulang pagbati, pinaalala ni Municipal Civil Registrar Ismael Malicdem Jr. ang mga naroon na ang kasal ay isang “permanent union” na siyang hudyat sa mag-nobyo at nobya na magsama sa iisang bubong at bumuo ng pamilya. Aniya, inaasahan niyang naniniwala ang mga ikinasal sa “sanctity of marriage” at walang lalapit sa kanya sa darating na panahon na gustong magpa-annul.

Ayon kay OIC Provincial Statistics Officer Edgar Norberte, na ni-representa ni Pangasinan Provincial Statistics Office Administrative Officer Josephine Rosario, sa 28 na taon na pagdiriwang ng Civil Registration Month, isa sa pinaka-importanteng pangyayari sa buwan ng Pebrero ay ang isinasagawang kasalang bayan. Nagpasalamat si Rosario kina Mayor Quiambao at Malicdem sa kanilang suporta at pagtitiwala sa Philippine Statistics Office. Aniya, layunin ng ating gobyerno na maabot ang target na 100% registration sa lahat ng importanteng pangyayari sa bansa. Paliwanag ni Rosario, mahalaga ang civil registration at vital statistics at dapat itong bigyan ng malaking importansya dahil ang mga dokumentong tulad na lamang ng birth certificate ay kinakailangan sa pagkuha ng passport, mga ID, at ibang serbisyong medikal.

Bago simulan ni Mayor Quiambao ang opisyal na seremonya, nagbigay muna ng mensahe sina Vice Mayor Raul R. Sabangan, Kagawad Amory Junio, Kagawad Martin Terrado II, Kagawad Benjamin de Vera, Kagawad Joseph Vincent Ramos, at Kagawad Mylvin Junio na siyang tumayo ring mga ninong sa mga ikinasal. Ani Vice Mayor Sabangan, handa silang tumulong sa mga bagong kasal kung magkaroon man sila ng problema. Payo naman ni 3rd District Board Member Vici Ventanilla, dapat ay gawing sentro ng mga mag-asawa ang Panginoon sa kanilang pagsasama. Nabanggit ni Ventanilla na maaaring makakatanggap ng tulong sa Region 1 Medical Hospital at sa Pangasinan Provincial Hospital ang mga kababaihan kapag sila ay manganganak.

Ayon kay Mayor Quiambao, isang napakarangal na desisyon ang magpakasal lalo na’t pinili nila ang Araw ng mga Puso sa kanilang pag-iisang dibdib. Paalala niya sa mga ikinasal na kailangan nilang siguruhin na maibibigay nila ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga anak o magiging anak dahil sila ay nangako na gagawin nila ang lahat upang mapaganda ang buhay ng kanilang pamilya.

Pagkatapos magpalitan ng “I do,” magsuot ng singsing, at magsubuan ng cake, doon na rin kumain ng hapunan ang mga bagong kasal at ang kanilang mga bisita. Nag-uwi rin sila ng framed picture at mga regalo mula sa LGU Bayambang at kay Engr. Ventanilla.

Sa mga salita ni Malicdem, “Damang-dama po natin sa simoy ng hangin na punong-puno ng pag-ibig.” Sa engrandeng entablado, sa naggagandahang floral arrangements, at sa nilakaran nilang red carpet, talaga namang siniguro ng MCR na ang espesyal na araw na ito ay maaalala ng mga bagong mag-asawa sa maraming taon pa nilang pagsasama.

Arrow
Arrow
Slider