Nagsagawa ng Community Consultative Meeting ang Municipio para sa mga residente ng Barangay Alinggan, Malimpec, at Tococ West noong Pebrero 10, 2018 sa Alinggan-Banaban Elementary School. Layunin ng pagpupulong na iparating sa mga apektadong residente ang balak ng may-ari ng poultry farm na buhayin muli ang negosyo nito sa lugar matapos itong masunog noong 2009.
Pinangunahan ni Mayor Cezar T. Quiambao ang konsultasyon, kasama sina Vice-Mayor Raul Sabangan, Councilor Martin Terrado, Philip Dumalanta, Cathy de Vera at Amory Junio, at Association of Barangay Councils President Rogelio Dumalanta. Naroon din upang sumagot sa mga katanungan sina Chief of Staff/Municipal Legal Officer Atty. Raymundo B. Bautista Jr., Bureau of Fire Protection Chief SFO3 Raymund Palisoc Jr., Municipal Treasurer Luisita Danan, Municipal Engineer Eddie Melicorio, Municipal Planning and Development Coordinator OIC Ma-lene Torio, Negosyo Center officer Renato Veloria Jr., RHU I Sanitary Inspector Danilo Rebamontan, at iba pang mga opisyales.
Naroon din ang mga Punong Barangay ng Alinggan, Langiran, at Tococ West na sina John Benedict Junio, Gerard Carungay, at Elpidio Doloque at ang iba pang mga barangay officials.
Sa kanyang talumpati, idiin ni Mayor Quiambao ang importansiya ng pagrespeto sa mga napirmahang kontrata at ang “sanctity ng legal documents.” “At the end of the day, ako pa rin ang magdedesisiyon, ngunit nais kong marinig ang inyong mga hinaing,” aniya.
“Kailangang balanse ang economic and social development (sa harap ng karapatang sibil ng mga taga-barangay). Mayroong conflict, nguning kailangang magkasundo-sundo upang ang kapakanan ng mas nakararami ang siyang manaig,” dagdag pa ni Mayor Quiambao.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Bautista na ang mga papeles ng investor ng poultry farm na si Jose Frias ay legal at nagpapatunay na ang kanyang negosyo ay “in existence.” Kinatigan naman ng mga opisyal na sina Engr. Melicorio at Ms. Torio ang patungkol sa zoning and locational clearance at construction permit ng poultry farm ni Frias. Ayon sa pangyayari, hindi pinayagan ni PB Junio ang pagrenew ng poultry farm ni Frias sa Alinggan dahil sa reklamo ng mga residente sa kanyang barangay. Nagdudulot umano ang poultry farm ng hindi kanais-nais na amoy at nag-aattract ng mga langaw na siyang nagiging banta sa kanilang kalusugan.
Sa kanyang sariling talumpati, nagmistulang hudyat naman ang sinabi ni Vice-Mayor Sabangan na “importante ya man-abet tayo ed pegley, aliwan sama’y mansesebeg tayo.” Ito ay sapagkat nagtapos ang konsultasyon sa pagkakasundo ng iba’t-ibang panig na payagang mag-operate muli ang manukan sa loob ng anim na buwan at nang ma-evaluate kung tuluyang ipagpapatuloy ang operasyon nito sa hinaharap.