Ang mahabang panahon ng paghihintay para sa bagong municipal library ay natuldukan na sa opisyal na pagbubukas nito sa publiko noong Enero 18 upang tumugon sa pangangailan ng lahat, lalo na ng mga estudyante.
Ang blessing at ribbon-cutting ay pinangunahan ni St. Vincent Ferrer Parish priest Rev. Fr. Allen Romero, kasama si Dr. Cezar T. Quiambao, Vice-Mayor Raul R. Sabangan at iba pang miyembro ng Sangguniang Bayan, at ang Municipal Librarian na si Leonarda D. Allado, RL.
“Ito ay karapat-dapat na ipagmalaki,” ayon sa ama ng bayan. Kaniyang ipinunto na ang pampublikong aklatan ay makatutulong sa mga estudyante na makagamit ng internet at upang makatamo ng kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa at pag-aaral. (Kaniya ring nasambit na ang susunod na target para sa konstruksyon at improvement ay ang Municipal Annex Building at ang Public Cemetery.)
Ayon naman sa mensahe ni Vice-Mayor Raul R. Sabangan na binasa ng kanyang sekretarya na si Victoria J. Malagotnot, “Wisdom is an important determinant to success.” Naniniwala siya na ang municipal library ay magiging sentro ng kaalaman, pagsasama, at pagkamalikhain ng publiko lalo na ng mga estudyante upang mahubog sila bilang mabuting tao sa lahat ng aspeto.
Dagdag naman ni Museum and Library Consultant Gloria de Vera-Valenzuela, ang library ay magsisilbing “bahay ng mga estudyante.” Kaniyang binigyang-diin na ang mga kabataan ay dapat hindi lamang gumagamit ng internet, sapagkat dapat aniyang gugulin ng mga ito ang kanilang oras sa pagababasa ng iba’t ibang klase ng libro, magazines, at periodicals upang maiwasan ang pagkalap ng fake news.
Ang lumang public library ng Bayambang ay nasa pangalawang palapag ng Munisipyo. Dahil ito ay napakasikip, ito ay kinailangang ilipat sa dating tore ng NAWASA sa likod ng Munisipyo. Ang repurposed na istruktura ay dinisenyo ng JQS team, at ang pagsasaayos nito ay pinamahalaan ng Engineering Department.