Pinulong ng LGU-Bayambang officials sa pangunguna ni Mayor Cezar T. Quiambao at Vice-Mayor Raul R. Sabangan ang mga magsasaka sa lupaing dating kinalalagyan ng Mangabul Lake noong Enero 13 sa San Gabriel 2nd Elementary School Covered Court upang konsultahin ang mga ito tungkol sa libreng pagpapatitulo ng lupa na alay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pakikipag-ugnayan sa Task Force Mangabul.
Naroon sa pagpupulong sina Councilor Benjamin Francisco de Vera, Councilor Amory Junio, at Chief of Staff at Municipal Legal Officer Atty. Raymundo B. Bautista Jr. Dumalo rin ang mga miyembro ng Task Force Mangabul na nauna nang binuo sa regional level ng DENR at sa Municipio upang asikasuhin ang problema sa lupain ng Mangabul. Ang Task Force Mangabul ng LGU ay pinangungunahan ng dating Department of Agrarian Reform officer at ngayo’y Consultant on Agrarian Concerns Pascual Manalang, at ang mga miyembro nito ay sina Municipal Assessor Annie de Leon, Consultant on Good Governance/Compliance Officer at retired Director ng Bayambang District Hospital Dr. Nicolas Miguel, People’s Law Enforcement Board Chairman Dr. Francisco Zaragoza, retired teacher at Consultant on Livelihood Danilo Gozum, former Councilor at Consultant on Agriculture Alan de Vera, at former Councilor at Consultant on Economic Affairs Levin N. Uy.
Dahil ang pagpupulong na ito ay parte ng unang Komprehensibong Serbisyo sa Bayan para sa 2018, nandoon din ang Chairman nito na si Local Civil Registrar Ismael Malicdem Jr. kasama si Municipal Treasurer Luisita Danan, Agriculture head Artemio Buezon, at iba pang opisyal at staff galing ng Municipio partikular na ang mga taga-Municipal Social Welfare and Development Office, Rural Health Unit I at II, at iba pa.
Sinalubong ang mga taga-Municipio ng host na barangay sa pangunguna ni San Gabriel 2nd Punong Barangay (PB) Gildo Madronio, kasama sina San Gabriel 1st PB Jolly Medrano, Paragos PB Manuel Ragos, Amancosiling Sur PB Alexander Favi, Manambong Sur PB Alain Lacerna, Wawa PB Melecio Junio, Iton PB Roderick Casingal, at Manambong Norte PB Freddie Junio.
Ayon sa report ng opisyal na tagapagtala ng dumalo na si Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office head Genevieve Benebe, may 165 na magsasaka ang dumalo sa Consultative Meeting na ito.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Vice-Mayor Sabangan ang tunay na pagmamalasakit ng administrasyon sa isyu ng Mangabul na di lingid sa kaalaman ng mga taga-Bayambang ay lubhang masalimuot. “Anta ti met ya walan naynay so sebeg diya kasi aga malinew no siopa’y makanggawa’y dalin. Aya la so tsansa ya naibaga yo ya dalin yo ya, salamat ed inisyatibo nen Mayor tayon Dr. Cezar T. Quiambao. Parad sikayon amin ya taga-diya, aliwan parad saray taga-baley.”
Sa kanyang sariling mensahe, naging madiin si Mayor Quiambao sa kanyang punto: “Hindi ito pampapapogi points!” ani niya. “Di ko kailangan ng pogi points. (Nabalitaan ninyo naman siguro ang posibilidad na di matuloy ang eleksiyon.) Ang importante ay ang aking tunay na intensiyon na tumulong.”
“Nandito kami dahil sa project na pinirmahan ko kasama ang DENR upang isakatuparan ang RA 10023 na siyang nagpapahintulot sa libreng pagpapatitulo sa mga residential at agricultural land, isang free patent project na napipintong magtapos sa 2020.”
“Sa lahat ng may mga sinasaka at inookupahang lupa dito, ito na ang inyong pagkakataon. Hanggang Enero 20, 2017 na lang ang pagpapafile ng application. Kapag may umiikot diyan na nagsasabing tutulungan kayo tungkol sa lupa kung kayo ay magbabayad, isumbong po ninyo sa barangay captain kasi ilegal po iyan.”
“Matagal nang problema ang Mangabul at marami na ang nagtangkang ayusin ito subalit di ito natuldukan. Sinasabi nila na di pa pwedeng magpatitulo, subalit maraming di nakakaalam na ayon sa House Bill #12338 na inakda ni former Congressman Roger G. Mercado et al. at H.B. #306 na ipinasa nang Kongreso noong bandang 1994-1996, ang Mangabul ay nareclassify na mula sa pagiging timberland at fisheries area into alienable and disposable land. Sadly, di pa umabot sa Senado ang pagpasa sa batas na ito, subalit ibig sabihin nito ay pwede na kayong mag-apply sa DENR habang naghihintay para sa finalization ng batas sa Senado.”
“Di po panlilinlang [ang proyektong ito]. Napakasakit po na ako na nagsasakripisyo ay paparatangan pa pa ng nanlilinlang.”
“Parte po ang proyektong ito ng aking dineklarang Rebolusyon Laban sa Kahirapan dahil malaki ang impact nito sa ekonomiya,” dagdag pa ni Mayor Quiambao. “Maliitna parte lamang ito ng aking plano para sa area na ito, kabilang na ang pinaplantsang proyekto na pagpapatayo ng P200M worth na superhighway kabilang ang tulay papuntang Pantol sa tulong ng Philippine Rural Development Program ng Department at Agriculture, strengthening ng mga kooperatiba sa tulong ng bagong tatag na Cooperative Development Office (na pinamumunuan ni Mercedes Peralta), at farm mechanization.
Matapos ang mga talumpati ay isinunod ang open forum na minoderate ni Task Force member Levin Uy. Ang mga katanungan ay umikot sa mga sumusunod na usapin: limitation of area covered according to DENR versus DAR rules, kung sino ang may authority/jurisdiction sa Mangabul (sagot: DENR, hindi DAR), magkano ang babayarang buwis o amilyar (sagot: P2,000/hectare/year for 10 years back without penalty, as per national law), ang description ng property, at iba pa.
Nang mapunta ang usapan sa importansiya ng pagtatatag ng kooperatiba upang tumaas ang kita, sabi ni Uy, “Say kailangan tayo pankakasakey. Akin et diad Nueva Ecija, mas atagey so produksiyon da per hectare kumpara ed sikatayo?”
Pagwawakas ni Uy, “Nais ko pong makipag-usap ng sinsero sa inyo na huwag sanang basta-basta maniwala sa mga negatibong impormasyong kumakalat. Kailangan mi so trust yo, kailangan mi so pananisiya yo. No wala’y tepet yo, arayan opisyales ya wadya natan, available ira, bukas so opisina da, pati opisina nen Mayor bukas para ed sikayo.”