Napuno ng mumunting tinig ang Events Center ng Nobyembre 27 sa okasyon ng 83rd National Book Week na ipinagdiwang sa pamamagitan ng storytelling activities.
“Ito ang unang pagkakataon na idinaos ang National Book Week sa venue na ito,” sabi ni Councilor Mylvin Junio, Chairman ng Committee on Education, sa kanyang pambungad na salita. “Ang selebrasyong ito ay may temang ‘Libraries Take Action: Providing Access and Opportunities for All’ – isang paalala na ang Municipal Library ay para sa ating lahat,” dagdag pa niya.
Ayon kay Municipal Librarian Leonarda D. Allado, may 91 na Grade 1 pupils mula District 5 at 6 ang naimbitahan upang makinig sa kwento ni OSCA Chair Iluminada Mabanglo, isang retired teacher, at RHU nurse na si Lady Philina Duque, na aktibong nagsisilbi sa Victory Church.
Ikinuwento ni Mabanglo sa Tagalog ang klasikong “The Boy Who Cried Wolf,” at inilahad naman ni Duque ang kwento ni Kristine Canon na “Si Pilong Patago-Tago.” Kapansin-pansin ang malugod na pagtugon ng mga bata sa mga katanungan ng dalawang kuwentista patungkol sa mga ginintuang aral ng mga kuwento.
Sa kanyang pampinid na talumpati, inimbitahan ng Consultant on Library and Museum na si Gloria de Vera-Valenzuela ang lahat sa nalalapit na pagbukas ng bagong Library sa dating NAWASA tower sa likod ng Munisipyo.
Sambit naman ng emcee na si Luz Cayabyab, “Someday, kayo naman mga bata ang magkukuwento ha?”
Lalong natuwa ang mga bata nang dumating ang isang Jollibee mascot at ilibre nito ang lahat sa pananghalian.
Kasama ang kanilang mga magulang, guro at principal, ang mga bata ay galing pa ng Caturay Elementary School (ES), Catalino Castañeda ES, Tanolong ES, Beleng ES, Malimpec ES, Tococ East-West ES, Amancosiling ES, at Langiran ES.