Muling nagliwanag ang Municipal Plaza kasabay ng pagliwanag ng Pasko ng mga Bayambangueño nang opisyal na binuksan ang Paskuhan sa Bayambang kinagabihan ng Lunes, ika-20 Nobyembre 2017. Ito na ang ikalawang taon na kung saan libreng mapapanood ng mga Bayambangueño at ng mga bisita ang isang nakaka-engganyong palabas na hatid ng Rosario Animated Display na unang sumikat sa Manila C.O.D. noong dekada sisenta.
Nagkaroon muna ng misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Allen O. Romero bago nagtipon sina Mayor Cezar T. Quiambao, ang kanyang asawa na si Niña Jose-Quiambao, Vice-Mayor Raul R. Sabangan, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at Hermano Mayor Levin N. Uy sa tabi ng higanteng Christmas tree para sa seremonyal na pagsindi ng mga ilaw.
Kasabay ng pagsindi ng mga ilaw ay ang pagbuhos ng ulan, kaya’t bitbit ang kani-kanilang mga payong, sabay-sabay na nanood ang mga Bayambangueño ng palabas kung saan ibinida ang kultura at tradisyong Pilipino. Kuhang-kuha ang imahe ng St. Vincent Ferrer Parish na siyang bida sa palabas. Bukod dito ay mayroon ding kalesa, mga bahay kubo at mga nakasabit na banderitas at parol na siyang nagpadama ng kulturang Pilipino. Masasaksihan naman ang iba’t ibang larong Pilipino tulad ng palo sebo, pabitin at pukpok palayok. Mayroon ding lechon at mga isda tulad ng bangus at tilapia na siyang pangunahing isdang ginamit noong nakuha ng Bayambang ang Guinness World Record for the Longest Barbecue. Kita rin ang mga batang nagka-karoling, isang tradisyon ng mga Pilipino pagsapit ng Pasko, at ang pag-harana, isang tradisyunal na gawain sa Pilipinas kung saan kinakantahan ng lalaki ang isang babae na may kasamang gitara o iba pang instrumento. Siyempre ay hindi maaaring mawala ang pag-sayaw ng Binasuan, isang sayaw na nagmula sa Bayambang.
Nagsisimula ang 15-minutong palabas kada 30 minuto kaya’t habang naghihintay ay pwedeng lumibot muna at mamili ng mga damit, laruan, pagkain, at iba pang produkto dahil opisyal na ring binuksan nina Mayor Quiambao at Jose-Quiambao ang mga pwesto sa loob ng plaza.
Lalong naramdaman ang Pasko nang magsaboy ng kendi at magpamigay ng libreng cellphone at mga pulang sombrero sa ilang manonood. Nakatanggap naman ng cash prize sina Kian Ray Ramos, Gloria Valenzuela, at Franchezka Brielle Paronable para sa kanilang mga Christmas costume.
Masayang binati ni Mayor Quiambao ang mga dumalo sa palabas, at pinaalala niya na sa buong Pilipinas, dalawa lang ang may animated Christmas display, ang Pasig City at Bayambang.
Ani Senior Tourism Operations Officer Rafael L. Saygo, si Mayor Quiambao ang siyang “talang gumagabay sa atin patungo sa maunlad at magandang Bayambang.”
Sambit ni Quiambao, “Sana bigyan pa tayo ng tuloy-tuloy na lakas para lalo tayong makapagdiwang ng Pasko katulad nito.”
Mapapanood ang Paskuhan hanggang sa Enero sa susunod na taon.