“Makasaysayan ang pangyayaring ito.”
Iyan ang pagpapahayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Development Management Officer V Manuel G. Ydia matapos lumagda ng Memorandum of Partnership Agreement (MOPA) ang lokal na pamahalaan ng Bayambang at ang DENR sa ika-8 ng Nobyembre sa Balon Bayambang Events Center bago ipamigay sa 67 na benepisyaryo ang mga titulo sa mga nararapat na may-ari ng mga lupa sa iba’t ibang sulok ng bayan.
Lumagda para sa LGU Bayambang sina Mayor Cezar T. Quiambao, Vice-Mayor Raul R. Sabangan, Municipal Assessor, Municipal Planning and Development Coordinator, at Association of Barangay Councils President. Iba’t-ibang kinatawan naman ng DENR ang lumagda para sa huli.
Ani Ydia, “historical ang pangyayaring ito para sa munisipalidad dahil ito ay nagtala ng record sa mga stakeholders in terms of land titling.”
Dahil sa paglagda ng dalawang panig sa MOPA, mas mapapadali, mas organisado, at mas mura na ang pagtititulo ng lupa sa Bayambang sa mga susunod na taon. Mas mapapadali din ang pagbibigay ng titulo sa mga eskuwelahang may problema sa titulo.
Sa kanyang talumpati, nagpasalamat si DENR Asst. Regional Director for Technical Services Gwendolyn C. Bambalan sa LGU Bayambang sa pagpayag nito sa hiling ng DENR na magkaroon ng partnership agreement. Aniya, ang pamimigay ng libreng titulo ay hanggang sa 2020 na lamang kaya hinihimok nila mga may-ari ng 4,838 na hektarya o 2,902 na lote pa sa Bayambang na mag-apply na rin para sa titulo. Nabanggit niya rin na isa si Mayor Quiambao sa kanilang mga katuwang sa reforestation sa Pangasinan na naglalayong magkaroon ng malinis na hangin, malinis na tubig at maayos na solid waste disposal sa buong rehiyon, dahil sa malawak na bamboo farm project ni Quiambao sa bayan ng Aguilar.
Pagpapaalala ni Mayor Quiambao sa mga nakatanggap ng titulo, “Ang titulo sa lupa ay siyang hangad ng lahat. Sana alagaan niyo ito kasi ito ay isang asset o kayamanan na pwede niyong ipamana sa inyong mga anak.” Pinaalalahanan niya rin ang lahat na magbayad ng amilyar para sila ay makapagbigay naman ng kontribusyon sa bayan.
Ayon naman kay Atty. Remarque Ravanzo ng Register of Deeds, ang Handog Titulo Program ay regalo ng DENR at ng Land Registration Authority (LRA) para magkaroon ng ebidensya ng pagmamay-ari ang mga wala pang hawak na titulo. Di nakaiwas na banggitin ni Ravanzo na si Dr. Cezar Quiambao rin ang responsable sa computerization ng LRA.