“Walang mahirap kung lahat ay magsisipag.” Ito ang mensahe ni Mayor Cezar T. Quiambao sa kanyang talumpati para sa Araw ng mga Bayani. Para sa layunin ng administrasyong Quiambao-Sabangan na puksain ang kahirapan, inanunsyo ni Mayor Quiambao sa harap ng rebulto ng pambansang bayani na si Jose Rizal sa Municipal Plaza na magkakaroon na ng Executive Order na dinedeklara ang ika-28 ng Agosto bilang Araw ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan sa Bayambang.
Maraming paraang ginagawa ang kasalukuyang administrasyon upang masugpo ang kahirapan. Isa lamang dito ay ang pagbigay sa mga miyembro ng 4Ps ng inland fishery project at ng lugar sa palengke kung saan pwede nilang maipakita ang kanilang mga produkto. Isinisulong ni Mayor Quiambao na mawala na ang 4Ps sa taong 2028.
Ayon sa kanya, “ang tagumpay ng tao ay hindi nasusukat sa kanyang mga ari-arian, ito ay nasusukat sa kung gaano kalaki ang kanyang mga pangarap sa buhay.” Kaya naman pinaalalahanan niya ang mga Bayambangueño na lakihan ang kanilang mga pangarap, dahil kung mataas ang pangarap, di man ito maabot, mataas pa rin ang kanilang mararating.
Sinabi naman ni Bise-Alkalde Raul R. Sabangan na nagiging bayani ang sino mang gumagawa ng maayos sa kanyang tungkulin, nagbibigay ng respeto at gumagamit ng sariling wika. “Kahit ang mga pinakamaliit na sakripisyo ay maaaring matawag na kabayanihan kung ito ay gagawin para sa ikabubuti ng nakararami.”
“Bilang mga Pilipino, dapat nating pangalagaan ang kalayaan na ating tinatamasa dahil sa sakripisyo ng ating mga bayani. Ang pagkakawala sa hawak ng mga dayuhan ay isa lamang hakbang patungo sa tunay kalayaan. Tayo ay magkapit-bisig upang ipakita ang kagandahan ng Bayambang sa pamamagitan ng pagpuksa sa kahirapan at pagiging bayani sa ating maliliit na paraan. Huwag tayong tumigil na mangarap para sa mas maunlad at mas mayamang Balon Bayambang,” dagdag pa ng Bise-Alkalde.
Ang isang oras na programa ay tinampukan ng pag-aalay ng mga rosas sa mga pambansang bayani sa tulong ng PNP at BFP, pagkanta ng mga makabayang awitin nina Wincessjero Dizon (Tawag ng Tanghalan contender na taga-Bongato East) at Vice-Mayor’s Office Secretary Victoria Malagotnot, at mga makathaing tula ni Tourism Officer Rafael Saygo na kanyang inialay para sa mga bayani.
Ang selebrasyon ay dinaluhan ng mga konsehal, punong-guro, guro at estudyante ng iba’t ibang paaralan sa Bayambang, mga department head at empleyado ng LGU, at iba pang bisita.