Bumabagyo man ay mainit pa ring tinanggap ng mga residente ng District 4 at 5 ang mga empleyado ng munisipyo para sa Komprehensibong Serbisyo sa Bayan noong Agosto 26.
Umaga pa lang ay dumagsa na sa Hermoza National High School ang mga Bayambangueño mula sa Hermoza, Inirangan, Carungay, Malioer at Reynado upang makatanggap ng libreng serbisyong medikal, dental, agrikultural at sosyal. Mayroong libreng physical check-up, bunot ng ngipin, gupit, at pati na rin seedlings. Tulad ng sa mga nauna nang Komprehensibong Serbisyo, libre din ang pag-isyu ng Senior Citizen ID card, Person with Disability card at Solo Parent ID card; rehistrasyon para sa livelihood training ng Kasama Kita sa Barangay Foundation; aplikasyon para sa birth registration at community service card; at iba pa. Naroon din ang Assessors Office at Treasury Office na nagbigay serbisyo para sa mga gustong magbayad ng amilyar, bumili ng sedula, magbayad ng land tax at business tax, magbayad ng tricycle fees, at magparehistro ng kanilang baka. Ang PNP, sa pangunguna ni PSupt. Cirilo B. Acosta, Jr., ay naroon din para sa pag-isyu ng police clearance at pagdala ng kanilang blotter.
Ayon kay Dr. Nicolas Miguel, ang layunin ng Komprehensibong Serbisyo ay ilapit ang serbisyo ng gobyerno para sa mga may trabaho sa malalayong baryo at hindi makapunta sa bayan.
Sabi naman ni Emerenciana Tapiador-Pascual, isang residente ng Malioer na tumanggap ng libreng serbisyo, maganda ang proyekto na ito at talagang nakakatulong ito sa mga katulad niyang mula sa malayong barangay.
“Nakikita niyo ba ang pagbabago?” tanong ni Mayor Cezar T. Quiambao sa mga dumalo sa kanyang tradisyunal na paunang talumpati. Ito ay tinugon ng malakas na oo ng mga taga-District 4 at 5. Ang Hermoza ay ang ika-pitong barangay na napuntahan ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan at sinigurado ni Mayor Quiambao na ito ay gagawin ng LGU kada taon sa kada distrito.
Idinagdag ni Quiambao na bubuhayin nito ang mga inland fisheries ng Bayambang kung saan ang ilang parte ay ibibigay sa mga miyembro ng 4Ps, at magkakaroon na rin ng 67 hectare economic zone upang makapagtayo ng mga pabrika at makalikha ng mga trabaho dahil ayon sa kanya, “Hanapbuhay ang kailangan para makaahon sa kahirapan.
Pinaalalahanan din ni Mayor Quiambao ang mga magulang na pag-aralin ang kanilang mga anak dahil libre na ang edukasyon hanggang kolehiyo upang maka-ahon sila sa kahirapan. Pinasalamatan ni Mayor si Local Civil Registrar Ismael ‘Jojo’ Malicdem Jr., ang mga department head, at mga empleyado ng munisipyo na boluntaryong nagbibigay ng libreng serbisyo para sa kanilang mga kapwa Bayambangueño.
Dumalo din sina Councilor Martin Terrado, Councilor Amory Junio, at KKSBF Director Levin Uy na siyang nagpasalamat sa administrasyong Quiambao-Sabangan para sa kanilang pagpupursigi na iparating sa mga malalayong barangay ang serbisyo ng lokal na gobyerno. Pinasalamatan din nila si Principal Lamberto Ferrer Jr. para sa pagbubukas ng pinto ng kanilang eskuwelahan at pagbibigay daan sa proyektong ito.