Ang Quezon City Platinum Lions Club, sa pakikipagtulungan ng LGU Bayambang at Kasama Kita sa Barangay Foundation (KKBF), ay nagbigay ng libreng eye checkup, screening, salamin at cataract operation para sa mga mag-aaral sa elementarya noong Agosto 19 sa Events Center.
Tinawag ng Lions Club ang programang ito na Sight for Kids Program, at ito ay parte ng pag-obserba nila sa buwan ng Agosto bilang Eyesight Saving Month.
Prayoridad ng naturang proyekto ang mag-aaral mula sa pampublikong paaralan. Karamihan sa mga batang malabo ang mata ay hindi alam na may problema sila sa mata sa pag-aakalang normal lang ang kanilang nararanasan.
Mga 90 na kabataan na may iba’t-ibang kaso sa mata – mula allergy, farsightedness, nearsightedness, hanggang astigmatism – ang tinatayang bilang ng mga benepisyaryo ng proyekto.
Lubos ang pasasalamat nina Mayor Cezar Quiambao at KKBF Managing Director Levin Uy sa mga bisita, na pinamumunuan ng kanilang District Governor na si Marilyn Castillo at President na si Perla Datuon, na tubong Bayambang. Nakarating ang Sight for Kids Program ng Lions sa Bayambang sa kagustuhan ni Datuon na magsilbi sa bayang sinilangan at kinalakihan. Sa normal na pagkakataon, sabi niya, kailangan pang gumawa ng invitation letter sa Lions. Kabilang sa mga dumating na miyembro ng Lions ay sina Betty de Vera Soriano, Hitchel Hao, Susan Abesamis, at Jun Macamba.
Limang optometrist naman ang nagtulong-tulong upang suriin ang mga batang pasyente. Sila ay sina Dr. Rico Abesamis, Dr. Susan Abesamis, Dr. Ma. Cristina Santos, Dr. William Barnard Torres, at Dr. Vrenelli Torres.
Ang apat na batang nadiagnose na may katarata ay ipinaschedule na magpaopera ngunit sa Maynila pa ang kanilang nakatakdang operasyon.