BFAR Official Binisita ang Langiran Lake, Nagturo ng Paggawa ng Floating Fish Cage


Binisita ng opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Region I para sa lalawigan ng Pangasinan na si Glicerio Legaspi ang Langiran Lake noong Agosto 18 upang inspeksyunin ang potensiyal ng lawa sa aquaculture development at upang magturo na rin ng paggawa ng floating fish cage kasama ang staff nito.

Siya ay sinamahan ng pinuno ng lokal na Department of Agriculture (DA) na si Artemio Buezon sampu ng iba pang DA officials at staff at pati na rin ng bagong appointed na Tourism Officer na si Rafael Saygo. Sinalubong naman at inestima ni Punong Barangay Gerald Carungay ang mga bisita.

Arrow
Arrow
Slider

 

Ayon kay Legaspi, inutusan siya ng kanyang Regional Director na magtungo rito upang makita nang personal ang lugar, at bakas sa ekspresyon ni Legaspi na impressed na impressed siya sa 8 ektaryang lawa. “Kailangan lang alisin ang makakapal na kumpol ng water lily na nakabara rito,” ani Legaspi.

Sinamantala ni Legaspi ang pagkakataon upang magturo sa mga taga-rito kung paano gumawa ng mga floating fish cages gamit ang kawayan at plastic drums. Apat na malalaking plastic drums and idinonate ng BFAR para sa unang fish cage. Nagkakahalaga ng higit sa P900 ang isang plastic drum.

Matatandaang nagpakawala sa lawa ang munisipyo ng 200,000 fingerlings na galing din sa BFAR noong nakaraang Mayo 5. Ayon sa mga opisyales ng DA, ga-palad na sa ngayon ang laki ng mga isdang pinakawalan.

Excited naman si Saygo sa strong potential ng lugar bilang isang tourist attraction. Ayon sa vision ni Mayor Cezar T. Quiambao sa lugar, balak niyang magpatayo ng floating restaurants dito, gumawa ng mga zipline at iba pang katulad na proyekto sa hinaharap.

Kinalaunan sa bandang hapon, nagpunta sa munisipyo ang mga taga-BFAR upang magcourtesy call kay Mayor Quiambao.