Isang maiksing demonstrasyon sa flower-making ang isinagawa ng Department of Agriculture (DA) noong Agosto 14 upang turuan ang mga kawani nito at magsilbing tagapagturo rin sa mga Bayambangueño partikular na sa mga asawa ng mga magsasaka.
Gamit ang iba’t-ibang materyales na matatagpuan sa bahay gaya ng walis tingting, pandikit, at dyaryo o anumang klaseng papel, at ang makukulay na yema wrapper, maaari nang makagawa ng isang matingkad na bulaklak.
Ayon kay Diana C. Cayabyab, isang kawani ng DA, ang flower-making ay natutunan niya sa panonood ng mga YouTube videos. Sa pagnanais na may maiambag siyang kaalaman sa kanilang departamento, ibinahagi niya ang kanyang kaalaman sa kanyang mga kasama.
Ayon kay Artemio C. Buezon, puno ng lokal na DA, ang demonstrasyong ito ay makatutulong upang palawakin ang kaalaman ng mga kababaihang asawa ng mga magsasaka sa Bayambang. Sa maliit na puhunan, sila ay makakagawa ng isang bagay na maaaring pagmulan ng karagdagang kita habang naghihintay sa panahon ng tag-ani.